Tuesday, July 9, 2013

Apat na taon na rin ang nakalipas...

Sa bawat pag-angat at pag-lubog ng araw, unti unti akong binago ng sistemang kumakain sa nakararami sa atin.

Sa pagbabalik ko sa pagbasa ng mga nangyari sa nakaraan, pansin ko ang pagbabago sa kung sino ako at sa kung ano ang pananaw ko sa buhay. Hindi ko rin lubos maisip na ang laki na rin ng pinagbago ng aking sarili. Kung tatanungin, hindi ko inakala na ang nagsulat ng mga nababasa niyo rito dati at ang taong nagsusulat nito ay iisang tao lang pala.

Sa bawat ingay ng electric fan, sa bawat kusot ng tela ng aking kama, at sa bawat "takatak" na ginagawa ng aking keyboard. Unti-unting nanumbalik sa aking isipan ang nangyari sa nakaraan. Kung paano ko pinanghihinayangan ang pagkawala ng isang taong masiyahin na walang ginawa, kundi ang umupo sa harap ng computer. maglog-in sa Friendster at Blogspot, at magtype ng nilalaman ng blog na ito. Unti-unti kong inalala ang dating amoy ng aming bahay na noon ay gawa pa sa kahoy. Unti-unti kong inaalala ang gaspang ng lapag na kinakatapakan ng dating upuan ko habang ako'y naglilibang. Dahan dahan ay pinilit kong ilagay ang dating ngiti ng aking mga labi sa aking ngayo'y matitigas at pilit na ngiti.

Hindi ko maramdaman. Hindi ko maalala. Hindi ko na maibalik.
Tila ba'y nadiktahan na ako ng aking mga maling gawain. Na kung sino ako ngayon, ay dahil sa mga salitang aking natanggap, sa mga nasirang tiwala na aking ibinigay, at sa mga hindi ko inaasahang nangyari sa aking buhay.

Siguro nga ganito talaga ang buhay, na habang dumadagdag ang numero na nakapatong sa iyong edad, ay siya namang pagbawas ng kasiyahang inilaan para sa iyo.

Siguro nga ay kailangan ko na magpaalam, sa dating buhay na ngayon ay inaasam kong ibalik.

Siguro nga ay hindi ako pinalaki upang maging masaya.

Siguro nga ay hindi ko na kaya ibalik pa ang respeto ng mga tao na tila'y nawala na sa akin.

Siguro nga...

Siguro nga...

Hindi ko alam kung ano pang nakalaan sa akin sa mga susunod na araw, buwan, at taon.

Hindi ko alam kung ang Talataburawan ko'y magiging isa pang koleksyon ng masasayang kaganapan sa aking buhay.

Hindi ko alam kung babalik pa itong inaasam kong pagbalik ng dati kong sigla.

Hindi ko alam...

Hindi ko alam...

Kaya sa mga huling sandali ko sa pahinang ito. Ako sana'y pagbigyan na ngumiti kahit sa iilang segundo ng aking pag-alala sa aking sariling gusto kong ibalik.

Ang batang hindi pa nakakain ang kamusmusan at kamalayan.

Ang batang hindi pa binalot ng lungkot.

Ang batang walang ginawa kundi ang magpasaya ng mga taong nasa paligid niya kahit pa ang sarili'y masaktan.

Ang batang ngumingiti ng walang alinlangan.

Ngunit alam ko na lahat ng bagay ay may hangganan. Kaya sa pagkakataong ito ay binibigyan ko na ng hangganan ang pagsusulat nitong mumunting Talaburawan na naging karamay ko sa sandaling panahon ng aking buhay.

Sa aking mga taga-basa, dito na po nagtatapos ang aking pamamahagi ng mga bagay na nagpasaya sa akin.
At kung dumating man ang panahon na masabi kong masaya ulit ang dating batang nagsulat nito, asahan ang aking pagbabalik. Pero sa ngayon ay kailangan ko nang mamaalam. Dahil ang dating batang sabog.. hindi sa droga.. kundi sa kasiyahan, ay hindi na isang batang masaya at may positibong pananaw sa buhay.

Sa uulitin kaibigan...
Maraming salamat sa pagsubaybay sa kakaunting panahon ng aking buhay.